Ebanghelyo: Lucas 9:46-50
Nangyari na ikinabahala nila kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya.
At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.”
At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”
Pagninilay
Hindi ko maiwasang maikumpara ang kabataan ko noon, sa nararanasan ng mga kabataan ngayon. Masasabi kong kahit mahirap kami ay talagang naenjoy ko ang aking pagkabata. Nakakapaglaro ako sa labas ng bahay ng mga larong pambata. Walang masyadong “pressure” na dapat ganito ka, dapat magaling ka sa iba, o dapat mas angat sa iba. Minsan, naaawa ako sa mga bata ngayon dahil masyado silang pinipilit sa napakaraming bagay. Hindi tuloy nila nararanasan kung paano maging bata sa kanilang kapwa bata. Bakit nga ba? Nandiyan ang mga nakakatandang walang ibang nasa isip kundi ang maging pinakamagaling sa lahat. Lahat ay gustong maging No. 1. Manood ka ng TV, pasikatan lahat ng mapapanood mo. Magbukas ka ng social media/internet, nagpapagandahan at nagpapayabangan ng mga achievements. Maging ang mga mag-asawa, hindi rin nagpapahuli na para bang sila mismo ay magkalaban. Sa huli ang napapabayaan ay ang kanilang mga anak. Ipinapaalala ni Jesus na hindi naman masama o ipinagbabawal ang maging magaling at dakila. Ang mali ay kung ginagawa natin ito na para bang ang tingin natin sa isa’t isa ay kaagaw o kalaban. Hindi tuloy natin makuhang maging masaya, tulad nang mga bata na masayang kalaro ang bawat isa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022