Ebanghelyo: Lc 9: 1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila para ipahayag ang kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ng tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
Pagninilay
Ang salitang apostol ay galing sa salitang Griyego na apostolos, na ang ibig sabihin ay “taong pinadala o sinugo.” Alam natin na labindalawa (12) ang tinawag at pinili ni Jesus na bilang ng kalalakihan na naging kasa-kasama niya at Kanyang naging mga apostol. Mahalaga ang bilang ng mga apostol. Ito ay hindi lamang arbitraryo sa kadahilanang labindalawa ang bilang ng tribo ng Israel. Samakatuwid, ang labindalawang apostol ay kumakatawan ng bagong bayang hinirang ng Diyos na siyang nagsilbing pundasyon ng simbahang Katoliko na pinasinayan ng Banal na Espiritu ni Jesus noong araw ng pentecostes. Maliwanag ang mga tagubilin ni Jesus sa Labindalawa (The Twelve). Ang pagpapahayag ng kaharian ng Diyos ay hindi dapat gawin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mundo gaya ng salapi at iba pang makamundong pamamaraan at kalakaran, bagkus ang misyon ng ebanghelisasyon ay nakasalalay sa kapangyarihan at Salita ng Diyos. Nais ni Jesus na ang istilo ng pamumuhay ng mga apostol ay kagaya ng ipinamalas Niya noong Siya ay nabuhay sa mundo – isang buhay na payak at salat sa maraming kaginhawaan. HIndi rin sapilitan ang pagtanggap sa Mabuting Balita. Ang pagpapagpag ng alikabok ay nagsisilbing babala sa mga hindi tumanggap sa kaligtasan alok ng mga apostol.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024