Ebanghelyo: Lucas 9:43b-45
Lubos na namangha ang lahat dahil sa kadakilaan ng Diyos.
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim ninyong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
Pagninilay
Ipinahayag ni Jesus na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin. Tila hindi interesado ang mga mag-aaral, hindi nila ito naiintindihan ngunit wala silang lakas ng loob na magtanong. Sa madaling salita, parang wala lang silang narinig! Ano ang nais marinig ng mga mag-aaral? Nais nilang makilala si Jesus para sa kanyang mga himala. Siyempre, kung nanatiling makapangyarihan si Jesus sa salita at gawa, tatanggap siya ng papuri sa mga tao at kasama rito ang mga alagad. Ito ang mas ninanais nila. Ganito rin ang sakit nating mga Kristiyano. Malinaw ito habang ipinapamalas natin ang mga hiwaga ng Holy Rosary na may kagalakan, sakit, liwanag, at kaluwalhatian. Alalahanin na kung nasaktan ka dahil sumunod ka kay Jesus, ito ang magliligtas sa iyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021