Ebanghelyo: Lucas 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabing ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman.
Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Pagninilay
Nanalangin si Jesus na hindi malayo sa kanyang mga apostol. Siya ang modelo at guro ng panalangin. Ngunit bakit tinatanong pa ni Jesus sa mga alagad kung paano dapat tumingin sa kanya ang mga tao? Para sa kanila siya si Juan Bautista, Elias o isa sa mga buhay na propeta, ipinapahiwatig lamang nito na hindi nila kilala o kinikilala si Jesus. Si Jesus ay tiyak na isang propeta ng Diyos ngunit siya ay higit sa lahat ng mga propeta. Ang sagot ni Pedro ay hindi mali, ngunit alam natin na may ibang kahulugan siya. Alam natin na maaari lang nating makilala ang isang tao kung tayo ay naging malapit na kaibigan. Kaya’t magsikap tayong maging malapit na kaibigan kay Jesus upang makilala natin siya. Nawa’y maging matiyaga tayo sa ating dalangin at maingat na pakikinig sa salita ng Diyos upang makapagsalita tayo nang tama kapag tinanong ni Jesus kung sino Siya para sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021