Ebanghelyo: Lucas 7:31-35
Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak. Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.
Pagninilay
Nakasulat sa ebanghelyo ngayon na si Jesus mismo ang nagsasabi na itinuring Siyang matakaw at lasenggo. Ang Kanyang ginagawa at sinasabi ay hindi lingid sa ibang tao. Wala siyang itinatago, pero iba-iba ang pakahulugan nila sa kanilang nakita, ayon sa laman ng kani-kanilang mga puso. Makikilala ng “mga anak ng Karunungan,” o “mga anak ng Diyos” ang gawaing nanggagaling sa Diyos. Pero hindi ito makikilala ng mga taong nahahalintulad sa mga batang palaging nagrereklamo, na kahit ano pang ibigay mo sa kanila, di sila kuntento. Magrereklamo pa ba tayo sa Diyos, o hahanapin nating angkinin ang karunungan, upang makilala ang Kanyang mga tanda sa ating kapaligiran?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020