Ebanghelyo: Lucas 6:43-49
Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapi-pitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko?
Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon.
At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
Pagninilay
“Mula sa kasaganaan ng ating puso ang mamumutawi sa ating bibig.” Mayroong isang lector sa isa sa mga Misa na ipinagdiwang ko noong Semana Santa, sa panahon na siya ay nagbabasa biglang may malakas na pumutok sa likod ng simbahan. Sa pagkagulat niya, sumigaw siya ng mga salitang hindi dapat marinig sa loob ng Simbahan. Ito ba kaya ang nasa kalooban ng kanyang puso? Sa tuwing ikaw ay magugulat, bantayan mo rin ang iyong sarili kung ano ang iyong bibigkasin. Kapag mapasigaw ka sana’y “Panginoon, aking Diyos, si Jesus, atbp., iyon ang tanda ng kapunuan ng iyong puso. Ayon sa Filipos 4:8, “dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri; mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.” Dapat nating palaging suriin kung ano ang nilalaman nang ating puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021