Ebanghelyo: Lucas 6:27-38
Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli.
Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.
Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas.
Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo nang malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.
Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuOs sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
“Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.” May nagtanong sa akin, paano rin ito magagawa? Sinagot ko siya, sapagkat ito ay atas ng ating Panginoon, kaya mararapat na humingi tayo ng tulong sa kanya. Ating isaisip na hindi tayo bibigyan ng Panginoon ng atas na hindi natin kaya. Marami tayong masasabi sa utos na mahalin ang kaaway, ngunit magbabanggitin lang ako ng dalawang bagay. Una, ang mga ito ay mga palatandaan na tayo ay mga alagad ng ating Panginoong Jesucristo. Ating alalahanin na naganap ito sa huling sandali ng buhay ni Jesus nang siya ay nagwika, “Patawarin mo po sila Ama, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Pangalawa, bilang mga tao, ang pag-ibig sa ating mga kaaway ay ang Pagpapatawad rin sa kanila. Ayon sa mga sikologo, ang pagpapatawad ay nagdudulot ng kagandahang-loob muna mismo sa ating sarili, at pangalawa lamang doon sa tao na iyong pinatawad. At sa tuwing nagpatawad tayo ay nagpapasya tayong palayain ang galit na nanunuot at dumadaloy sa ating damdamin upang upang mapagaan ang ating pakiramdam.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021