Ebanghelyo: Mateo 18:15-20
Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay
Sa halimbawa ni Ezekiel sa unang pagbasa, “ginawa rin tayong bantay” ng Diyos para sa ating mga kapatid sapagkat may pananagutan tayo sa isa’t isa. Bakit kaya kung may nagkakamali sa ating pamilya o komunidad, madalas hindi natin magawang payuhan ang tao o pagsabihan? Nahihiya ba tayo? Natatakot? Iniisip ba natin na hindi tayo karapat-dapat na magsalita dahil minsan mali rin tayo, o iniiwasan lang natin ang sitwasyon na maaaring mapunta sa gulo? May pananagutan tayo sa isa’t isa, kaya itinuturo ni Jesus kung paano pagsabihan ang ating kapatid kung siya’y nagkakamali. Kung hindi siya makinig sayo, kausapin mo ang taong maaaring makapagbigay ng payo sa taong nagkakamali. Itinuturo ni San Pablo sa ikalawang pagbasa ang makakatulong sa atin: ang pag-ibig sa kapwa. Ang tunay na pagmamahal ang siyang magtutulak sa atin upang tulungan ang ating kapatid at ibalik siya sa Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020