Ebanghelyo: Marcos 9:41-50
At kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala.
Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na nananalig, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.
Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. Buburuhin nga ng apoy ang lahat.
Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, paano ninyo ito mapaaalat uli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay sa kapayapaan sa isa’t isa.”
Pagninilay
Minsan nabasa ko na sa bandang huli, tatlo ang talagang mahalaga sa buhay: Una, kung gaano kalabis ang iyong pagibig; Pangalawa, kung gaano kaseryoso at kasigla ka sa iyong mga gawain; at Pangatlo, kung gaano ka kagaling pagdating sa pagbitaw. Oo, nabasa mo ng mabuti: “pagbitaw”. Napakahalaga kung talagang matuto tayong bumitaw pag kinakailangan. Sa wikang ingles, pamilyar tayo sa mga ekspresyon na: “Let go, and move on!” Madali lang suriin kung ano ang dapat natin bitawan sa buhay kung ito ay masama. Mas mahirap malaman kapag lahat ng bagay ay mabuti, kung sa unang tingin lahat ay maayos at mabisa. Ano ang dapat kong bitawan? Sa buhay, laging may mawawala. Kung hindi man ito mangyari dahil sa ating sariling pagpapasya, sadyang may mawawala o matatapos. Pero, tiyak naman na magkakaroon din ng bago. May kasabihan sa ingles: “When a door is closed, a window is opened.” Kaya maging positibo tayo palagi. Sa pagbitaw, lagi may kasamang pagsasakripisyo, kaya hindi madali. Hindi bale nang mawala sa atin ang mga materyal na bagay, ang mga nakasanayan, ang mga personal na ugnayan, basta maging buo ang ating sarili at makakapasok tayo sa Kaharian ng Langit.
© Copyright Pang Araw-araw 2025