Ebanghelyo: Marcos 8:22-26
Pagpasok nila sa Betsaida, isang bulag ang dinala sa kanya at hiniling sa kanyang hipuin ito. Inakay ito ni Jesus sa labas ng bayan, pinahiran ng laway ang mga mata nito at ipinatong ang kanyang mga kamay. At saka niya ito tinanong: “May nakikita ka ba?” Tumingin ang tao, at sinabi nito: “Parang mga punongkahoy ang nakikita ko pero lumalakad, tiyak na mga tao ito.” Kaya agad na ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata nito, at nakakilala siya at gumaling, at nakita nga niya nang malinaw ang lahat. Pinauwi ito ni Jesus sa pagsasabing: “Huwag kang pumasok kahit na sa nayon.”
Pagninilay
“Malinaw ang lahat.” Makikita sa Pilipinas ang mga billboard ng isang kumpanya na nagbebenta ng salamin. Sa larawan, may isang batang babae na nagsusuot ng salamin at may confidence sa sarili, at mababasa sa gilid: “Malinaw ang lahat”. Sa pamamagitan ng salamin, hindi lang siya makakakita ng malinaw, kundi may tiwala rin sa sarili. Nang pinagaling ni Jesus ang bulag, hindi lang ibinalik sa kanya ang kakayahang makakita, kundi tinubos din siya, iniligtas mula sa pagkabulag. Naging malinaw ang lahat: nakakakita ang mata ng katawan, at nakakakita rin ang mata ng pananampalataya. Ang misyon ng Simbahan ay parang kape, 3-in-1. Ang misyon ay bilang Propeta, Pari, at Hari. Bilang Propeta, ang Simbahan ay nagtuturo ng katesismo; Bilang Pari, ang Simbahan ay sumasamba; bilang Hari, ang Simbahan ay naglilingkod. Kapag sa bawat gawain nakikita ang tatlong aspetong ito, tiyak na tagumpay ang misyon. Sa pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit, ginagawa ito hindi lang bilang paglilingkod, kundi para matuto rin ang tao tungkol sa katotohanan at sumamba siya sa Diyos bilang pasasalamat. Ipagpatuloy din natin ang misyon ni Jesus at ng Simbahan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025