Ebanghelyo: Marcos 8:14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Magingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
“Masamang tinapay.” Sa maikling bahagi ng ebanghelyo, mabibilang natin ang pitong tanong ni Jesus sa mga alagad. Pawang hindi nila nauunawaan ang pagtuturo ng Panginoon. Sa una, nagbabala si Jesus tungkol sa kaugalian ng mga Pariseo at ni Herodes, na sila ay mga pinuno na pinakikinggan at sinusundan ng marami. Kaya nagbabala si Jesus tungkol sa kanila, na ginamit ang salitang “lebadura” bilang metapora ng kanilang ugali. Sa Lalawigan ng Quezon, natutunan ko ang kasabihan na ang tao’y “masamang tinapay” kapag may masamang ugali; parehas ito sa talinhaga ni Jesus. Akala ng mga alagad, ang tinapay mismo ng mga Pariseo ang tinutukoy ni Jesus. Madalas itong mangyari, na malayo ang sagot nila sa mga tanong ni Jesus! Nagtanong din Siya kung naaalala pa rin nila nang pinarami Niya ang tinapay at pinakain ang maraming tao. Tayo naman, naaalala pa rin ba natin ang mga himalang ginawa ng Diyos sa ating buhay? Ang Tinapay na Nagbibigay-Buhay ay alaala ng pag-ibig ni Jesus sa atin. Hindi pa ba natin ito nauunawaan? Paanyaya ito sa atin ngayon na pagnilayan ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin, at kung ano ang kahulugan nito para sa atin noon at ngayon.
© Copyright Pang Araw-araw 2025