Ebanghelyo: Marcos 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
Pagninilay
“Nag-aabang sa pintuan ang kasalanan.” Makikita natin sa buhay ng mga santo ang kanilang kasiyahan. Sa mata ng Diyos at ng mga tao, ang mga banal ay kababanaagan ng magandang ngiti sa kanilang mga mukha. Kahit mayroon silang matinding pinagdaanan, may kapayapaan at kasiyahan sa kanilang puso. Galit at kalungkutan naman ang umiiral sa puso ng mga lumalayo sa Diyos. Bago pa nagkasala, galit at lungkot ang umiral kay Cain. May dahilan kung bakit hindi naging kalugod-lugod sa Diyos ang kanyang hinaing, pero imbes na subukang ayusin ang mali niya para matanggap ng Panginoon ang handog, nanaig ang lungkot at inggit sa kanyang puso. Binalaan siya ng Diyos na “nag-aabang sa pintuan ang kasalanan”, pero hindi nakinig si Cain at tinuloy ang masamang balak na patayin si Abel. Ang taong malungkot ay maghahanap ng mali sa lahat ng bagay at sa lahat ng tao, dahil ito ang umiiral sa kanya. Magigi itong vicious cycle sa kanya at dirediretso ang pagiging mag-isa sa buhay, kung saan “nag-aabang sa pintuan ang kasalanan”. Kung ang galit at lungkot ang nakakasira sa tao, ang kasiyahan naman ang nagpapayabong sa kanya.
© Copyright Pang Araw-araw 2025