Ebanghelyo: Lc 5: 27-32
Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang mga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus:
“Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
Pagninilay
“Lahat, lahat ay aking ibibigay. Ibibigay pati aking buhay upang ibigin siya.” Kaygandang pangakong ipinahayag sa isang awit. Parang ganoon ang damdamin ni Levi nang tawagin siya ni Jesus. Handa siyang iwan ang lahat kasama na ang kanyang hanapbuhay bilang maniningil ng buwis. Tatalikdan niya ito upang sumunod sa Panginoon. Marami tayong pinahahalagahan sa buhay na ayaw nating talikuran. Ito ay hadlang sa ating malayang pagsunod sa Panginoon. Kung nakatali tayo sa ating makalupang kayamanan, hindi tayo makasusunod kay Jesus. Siya na rin ang nagsasabi na hindi tayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. May kakaibang kasiyahang hatid ang pagtalikod sa yaman ng daigdig upang yakapin ang kayamanang makalangit. Hindi matutumbasan ang kaligayahang makakamit sa piling ni Jesus. Ganyan ang naranasan ni Levi. Ganyan din ang ating madarama kung tatalikod tayo sa kayamanan, karangalan, kapangyarihan at iba pang bagay upang sundan si Jesus, ang ating tanging yaman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024