Ebanghelyo: Mt 5:17-37
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging
dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; hahatulan ang sinumang pumatay. Sinasabi ko naman sa inyo: hahatulan ang nagagalit sa kanyang kapatid. Hahatulan sa Sanggunian ang sinumang
magsabi ng “Tanga” sa kanyang kapatid; hahatulan sa apoy ng impiyerno ang sinumang magsabi ng “Tanga.” Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso.
Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi
ng iyong ka tawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno.
Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang may bahay sa ibang dahilan maliban sa kawalangkatapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
Narinig na rin ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa Panginoon. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat naroon ang trono ng Diyos, ni sa ngalan ng lupa pagkat ito
ang tuntungan ng kanyang mga paa, ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ito ang lunsod ng Dakilang Hari. Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mong oo kung oo at hindi kung hindi. Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.
Pagninilay
Tayo ay naninirahan sa isang mundo na may marami at mga magkakasalungat na ideolohiya at pilosopiya. Kailangan nating magkaroon ng isang matibay na pundasyon kung saan natin iaangkla ang ating buhay. Tinuturuan tayo ng mga pagbabasa kung paano mamuhay bilang mga anak ng Diyos. Sa kanyang buhay, ipinakita sa atin ni Jesus kung paano mabuhay nang matalino at pinagkaloob niya sa atin ang Espiritu at biyaya upang mabuhay. Sa pamamagitan ng Espiritu, binibigyan tayo ng kakayahang gumawa ng mga tamang pagpili at upang mamuhay nang nararapat. Habang humaharap tayo sa mga katotohanan ng makabagong mundo, pinapapaalalahanan tayo na gawin ang ating mga pagpili kay Jesus at kasama ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020