Ebanghelyo: Marcos 8:1-10
Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama sa kanya at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”
Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.”
Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.
Pagninilay
Isang milagro ang muling nasaksihan ng mga alagad nang pakainin ni Jesus ang apat na libong tao. Ngunit sa himalang ito, minabuti ni Jesus na tanungin muna ang mga alagad kung ilang tinapay ang meron sila. At mula sa pitong meron sila, sa himala ng pagpaparami ng tinapay, nabusog ang lahat. “Ilan ang meron kayo?” Ito rin marahil ang tanong ni Jesus sa ating lahat. Ano ang maibibigay natin sa kanya? Ano ang kaya nating maialay at maibahagi sa kanya? Maging bukás din nawa tayo at hayaan ang ating sarili at kung anong meron tayo, na maging instrumento ng kamangha- manghang bagay na maaaring gawin ng Diyos. Marami pang mga himala ang maaaring maganap sa pagbabahagi natin ng kung ano ang meron tayo. Kabahagi tayo ng himala!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021