Ebanghelyo: Marcos 7:24-30
Pagkaalis sa lugar na iyon, lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak.
Sinabi naman ni Jesus sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.
Pagninilay
Kung maaari lamang na akuin at mailipat ang sakit, buong puso at tapang itong gagawin ng isang ina, mailigtas lamang ang kanyang anak na nasa panganib ng sakit. Madalas na banggitin ang pagkakakilanlan ng babae sa ebanghelyo bilang isang babae at paganong taga-Sirofenicia kung kaya’t walang karapatang makipag-usap kay Jesus, lalo’t higit humiling ng isang himala. Batid marahil ito ng babae subalit hindi niya ito inisip sapagkat mas nananaig ang kanyang pagiging isang ina. At sinong ina ang hindi gagawin ang lahat para sa kapakanan ng kanyang anak? Lahat ng balakid at pagsubok ay kanyang hinarap at mapagpakumbabang tinanggap ang anumang hatol sa kanya. Nasaksihan ni Jesus ang kanyang pananalig at pagmamahal. Sapat na iyon upang gumaling ang kanyang anak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021