Ebanghelyo: Marcos 7:14-23
Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa Kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa Kanya. Makinig ang may tainga.”
Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong Siya ng Kanyang mga alagad tungkol sa talinghagang ito. At sinabi Niya: “Wala rin ba kayong pangunawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.”
(Sa gayo’y sinabi Niya na malinis ang tanang mga pagkain.)
At idinagdag Niya: “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin – kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.
Pagninilay
Anumang mabubuting bagay ay tiyak na mababatid ng puso. Sa tuwing nararamdaman natin ang pagmamahal at pag-aalala ng iba, sinasabi nating nakakataba ng puso. Sa mga pagkakataong tayo’y nakakasaksi ng pagsasakripisyo ng iba o isang di makasariling gawa, naantig ang ating mga puso. Tanging busilak at malinis na puso ang bukás at handang magbahagi ng pagmamahal. Kinikilala nito ang kabutihan sa paligid. Nilikha ang ating mga puso upang umibig. Kung nabibigatan ang ating puso, hindi kaya dahil ito’y puno ng mga bagay na hindi dapat manatili rito gaya ng “inggit, paninira, kapalaluan at kabuktutan”? Halina’t buksan ang ating mga puso at hayaan itong linisin ng pagmamahal, pagpapatawad, pagkahabag at awa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021