Ebanghelyo: Marcos 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapagisa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar.
Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila.
Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
Pagninilay
Sa kabila ng buong araw na pagtatrabaho, marapat lamang ang kapahingahan upang maibsan ang hirap at pagod ng pagal na katawan upang sa susunod na araw ay may bagong lakas. Kadalasan ay natatapos ang responsibilidad sa pagtatapos din ng oras ng trabaho at pagsasara ng opisina. Subalit walang pinipiling oras ang paglilingkod. At kahit hinahanap na ng katawan ang kapahingahan, sa oras ng pangangailangan ay nagagawa pa rin nating magsakripisyo at maglaan ng oras upang matulungan ang kapuwang nangangailangan. Ninais ni Jesus na mapag-isa at magpahinga subalit nang makita niya ang mga tao na tila mga tupang walang pastol, siya ay naawa. Ang awa ring ito sa tuwing makikita natin ang ating kapuwang nangangailangan ang siyang magbubunsod upang magsakripisyo at patuloy na maglingkod.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021