Ebanghelyo: Mc 1: 29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Paninilay
May mga taong nagsasabing wala silang panahon para manalangin. Narito ang isang kuwento. Ang sabi ng isang tao, “Wala akong oras para magdasal. Pagkagising ko sa umaga ay kailangan kong maghanda para sa trabaho. Maghapon akong busy sa opisina kaya di ako makapagdasal man lamang. Pag-uwi sa bahay ay pagod na ako at natutulog nang hindi na nakapagdarasal. Namatay ang taong ito. Sa harap ni San Pedro ay hinanap niya ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. Wala ito mula sa una hanggang sa huling pahina. Biglang nagsalita si San Pedro, “Alam ko na. Isusulat ko sana ang iyong pangalan. Kaya lang… wala akong panahon.” Sa ebanghelyo, isinalaysay kung paano pinahalagahan ni Jesus ang panalangin. Madaling araw pa ay bumangon na Siya at nagtungo sa ilang na pook upang manalangin. Alam niyang kailangan niyang makipagniig sa Ama. Mas maliwanag ang bagay na ito sa ebanghelyo ayon kay San Lucas. Sa lahat ng mahahalagang pangyayari sa buhay ni Jesus, siya ay nananalangin at sumasangguni sa kanyang Ama.
Ibang-iba ang maghapong pinasimulan sa panalangin. Nagiging maayos ang lahat. Maganda ang pakiramdam. May taglay na lakas upang harapin ang lahat. Sabi nga ng isang banal, “When you kneel before God you can stand up before anybody else.”Hindi nangangahulugang kapag nagdasal ay wala nang problemang darating. Iba lamang ang pagtanggap dito. May kinabukasan. May tapang ng loob at may pag-asang malalampasan ang lahat ng mga hamon. Ang panalangin ay kadluan ng lakas. Dito tayo kumukuha ng enerhiya upang magampanan ang ating mga gawain at pasanin sa buhay. Wika ng isang manunulat, “A man without prayer is like a tree without roots.” Mabubuwal ang isang taong hindi nagdarasal. Igugupo siya ng mga unos ng buhay. Samantala, matatag ang taong nananalangin. Matibay ang kanyang pundasyon. Hindi siya maibubuwal ng anumang bagyong dumarating. Anuman ang ating gawain at adhikain, dapat ay sa panalangin magsimula. Bago magnegosyo, manalangin muna upang maliwanagan sa tamang paraan ng kalakal. Bago sumailalaim sa pagsusulit ay manalangin upang maliwanagan ang kaisipan. Bago maghahalal ng pinuno ay manalangin upang magabayan sa wastong pagpili. Anuman ang haharapin ay kailangang sumangguni sa Diyos. Panalangin ang pintong nagbubukas ng tagumpay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024