Ebanghelyo: Lucas 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nagangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’
Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.”
Pagninilay
Mayroong ilang mga mangangaral ngayon na nagtuturo na kung tatanggapin mo lamang si Kristo sa iyong buhay sigurado na iyong kaligtasan! Taliwas ito sa sinasabi ng ebanghelyo ngayon. Ang sagot ni Jesus sa tanong kung gaano karami ang maliligtas, ito ay ayon sa pagsisikap ng tao na makapasok sa makipot na pintuan. Alalahanin natin na nais ng Panginoon na ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam sa katotohanan (1 Tim. 2:4). Sumunod tayo kay Kristo sa pamamagitan nang pagpasan natin sa krus. Ito ang makitid na pintuan – ang mabuhay na kasama si Kristo at tumupad nang kanyang kalooban. Ito rin ang sinusubukang ituro ng ating Simbahan. Ngunit marami ang tumatanggi dahil naghahangad sila ng isang mas komportableng buhay. Sa panahon ng paghahatol, nawa’y huwag ito ang marinig natin kay Jesus, “hindi kita kilala.” Ang tunay na pagiging alagad ay hindi isang kaswal na kaugnayan kay Jesus o isang piling pagtanggap sa kanyang turo. Ang halaga ng pagiging alagad ay nangangahulugan ng pagsasakripisyo at pagtalima sa mga itinuturo ni Kristo na maipamamalas sa ating mga salita at gawa. Kumusta ang aking ginagawang pagtugon kay Kristo, buo ba ito o kalahating-puso lamang?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021