Ebanghelyo: Lucas 12:39-48
Isipin ninyo ito: “Kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana Niya pababayaang looban ang Kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.”
Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinghagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa Kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng Kanyang panginoon ay matagpuan Siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain Siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing.
Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di Niya inaasahan at sa oras na di Niya nalalaman. Palalayasin Niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat.
Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng Kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban Niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban Niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.
Pagninilay
Tandaan natin na biniyayaan tayo ng Panginoon ng mga bagay na kailangan natin upang tayo ay lumago at umunlad bilang isang tao. Higit sa lahat, nais Niya tayong magkaroon ng buhay na masagana at ganap (Juan 10:10). Maaaring ito ang tinutukoy ni Jesus sa atin, una, natuklasan natin ang ating mga biyaya tulad ng talento, kakayahan, at kaliwanagan ng kaisipan; o kahit na ang materyal na biyaya tulad ng pagkain, pera at pag-aari. Pangalawa, ginagamit mo ba ang mga biyayang ito para sa ikabubuti nang iba at sa iyong sarili? Sa ganitong paraan magiging daluyan tayo ng pagpapala ng Panginoon para sa iba. Pagkatapos ikaw ay maging isang mas mahusay na tao alinsunod sa plano ng Panginoon at makakatulong ito sa iyong kaligtasan. Ganito ang ‘pagiging handa’, nangangahulugan ng pagsubok nating tumugon sa mga pangyayari sa buhay natin kung saan gumagalaw ang Diyos. Hilingin natin na huwag tayong maging balakid sa pagsulong ng Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021