Ebanghelyo: Lucas 11:42-46
Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon.
Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan.
Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.”
Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.
Pagninilay
Bakit kaya nahahabag si Jesus sa mga makasalanan (Lucas 15:1), ngunit tila galit siya sa mga Pariseo at mga dalubhasa sa Kautusan? Bakit nga kaya? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga makasalanang kaibigan ni Jesus at ng mga Pariseo at ng mga eskriba? Mayroong isang sanggunian sa bibliya na tinatawag na “katigasan ng puso.” Ang Paraon ng Exodo ay isang mahusay na halimbawa ng isang matigas ang puso. Tumanggi siyang tuparin ang kanyang pangako kay Moises, kaya’t nagdala ito ng matinding pagdurusa! Sa aking pananaw ito ay kung paano nakita ni Jesus ang mga Pariseo at eskriba, sila ay may katigasan ng puso. Sinabi sa kanila ni Jesus ang pawang katotohanan lamang ngunit sa halip na baguhin ang kanyang gawi ay binalak nilang patayin si Jesus. Kaya ito ang sinabi ni Jesus sa kanila “kahabag-habag kayo.” Sa kabilang dako, naging mga kaibigan ni Jesus ang mga makasalanan tulad nina Zakeo, Mateo, at iba pa. Sila ay nagpasyang magbalik-loob sa Diyos at sumunod kay Jesus. Nawa’y tularan natin silang makasalanan sa kanilang pagbabalik-loob.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021