Ebanghelyo: Lucas 11:5-13
Sinabi rin sa kanila ni Jesus: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo Siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa Kanya.’ At sasagutin ka siguro ng nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man Siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin Siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa Kanya.
“Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo ang naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok.
“Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa Kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa langit? Tiyak na ibibigay Niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa Kanya.”
Pagninilay
Ang isa pang bahagi ng panalangin ay ang kahilingan. Ngunit ano ang ating hihilingin? Hindi ba alam ng Diyos ang mga pangangailangan natin? Nakita natin na ang huling bahagi ng ebanghelyo ngayon ay pinakamahalaga, na hilingin natin ang Banal na Espiritu mula sa Ama nang hindi ito ipagkait sa atin. Ang Banal na Espiritu ay magpapaliwanag at magtuturo sa atin kung ano ang kailangan natin at kung ano ang hihilingin natin sa Ama. Bibigyan niya tayo ng inspirasyon upang huwag mawalan ng pag-asa at magpatuloy sa ating mga dalangin. Mayroong mga tao na humihiling sa Panginoon sa panalangin ngunit kung wala silang natatamong kasagutan, sila ay pinanghihinaan ng loob at inihihinto nila kaagad ang kanilang pagdarasal. Sinasabi nila na hindi sila mahal ng Panginoon. Kaya’t ito ang tungkulin ng Espiritu Santo upang ibulong sa atin na may mas mahusay na plano ang ating Panginoon kaya magtiwala lang tayo sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021