Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
Ang taong abalang-abala sa maraming bagay ang siyang kadalasa’y mas nabibigyan ng kahalagahan ng ating lipunan dahil nakikita ang bunga ng kanyang paggawa tulad ni Marta. Habang ang mga taong tulad ni Maria na pumiling manatili lamang upang pagnilayan ang Salita ng Diyos ay tinuturing na nag-aaksaya lamang ng panahon na sana’y maaaring gamitin sa ibang bagay. Ngunit binigyan diin ni Jesús na pinili ni Maria ang mas mainam na bahagi at hindi ito kukunin sa kanya. Isang paanyaya sa atin na magbigay ng panahon sa katahimikan at panalangin upang maging bukas sa kalooban ng Panginoon sa araw araw ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020