Ebanghelyo: Lucas 10:25-37
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiintindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko’.” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay
Sino nga ba ang ating kapwa na dapat nating mahalin, bukod sa pagmamahal sa Diyos, upang makamtan ang buhay na walang hanggan? Kadalasa’y napapaloob lamang ito sa mga taong katulad natin at iniiwasan natin ang mga naiiba sa atin. Ang takot at pagaalinlangan marahil ang siyang nangingibabaw sa ating puso’t diwa. Ngunit muli tayong pinaaalahanan ni Jesús na ang pag-ibig sa kapwa’y para sa lahat lalong lalo na sa mga taong may higit na pangangailangan maging ano man ang relihiyon, kultura, kasarian at katayuan niya sa buhay. Mahal tayong lahat ng Panginoon, nilikha niya tayo sa kanyang imahen at pagkakahawig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020