Ebanghelyo: Mc 12: 28b-34
Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?“ Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito:Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.“ Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at
mga alay.“ Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.“ At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Binigyang diin ni Jesus na walang ibang mga utos ang mas hahalaga pa sa mga nabanggit: 1. Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas at 2. Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Maituturing na ang mga ito ang pinakabuod o
ang diwa ng lahat ng kautusan ng Diyos. Itinuturo ni Jesus sa atin ang kahalagahan ng salitang: PAG-IBIG. Kung nananahan sa puso natin ang pag-ibig ano pa ba ang kulang sa buhay natin? Sa unang pagbasa, pinaalala sa bayan ng Israel na ang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kautusan ay magpapabuti at magpapayabong sa lupaing ipinangako sa kanila. Ganito rin sa ugnayan natin sa Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos, na pinakamahalaga sa lahat, ay nagpapayabong at nagpapabuti sa buhay natin. Sa ikalawang pagbasa, si Jesus, ang Anak ng Diyos, na nanatili sa piling natin, ay may dalang kaligtasan sa sinumang lumalapit sa Diyos sa tulong niya. Kaya mahalaga na una ang Diyos sa buhay natin. Ang lahat ng mga bagay ay nagmumula at umiikot mula sa pag-ibig ng Diyos. Pangalawa, mahalin natin ang ating kapwa kung paano natin minamahal at pinahahalagahan ang ating sarili. Maging bukas tayo sa pag-ibig sa kapwa natin na nangangailangan, sa kapwang naghahanap ng kalinga at aruga, at sa kapwang naroroon sa laylayan ng lipunan, na tila kinalimutan na ng mundo. Hindi lamang ang sarili nating kabutihan ang dapat nating isinasaalang-alang. Sa araw na ito, magbigay tayo ng panahon at oras sa Diyos, magsimba at dumulog sa Kanyang tahanan. Sa paglabas naman natin ng simbahan, hanapin at iabot natin ang ating mga kamay sa mga nangangailangan.
© Copyright Pang Araw-araw 2024