Ebanghelyo: Mt 25: 31-46*
Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ng lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwahiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘Halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako. Nang ako’y hubad, dinamitan ninyo ako; nang maysakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ At itatanong sa kanya ng mabubuti: ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka namin nakitang maysakit o nasa bilang-guan at
nilapitan?’ Sasagutin sila ng Hari: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: anu-man ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ (…)
Pagninilay
Sa araw na ito, inaalala natin sa panalangin ang lahat ng mga tao at mahal
natin sa buhay na yumao o nauna na sa atin sa kabilang buhay. Sa pamamagitan ng ating mga panalangin, umaasa tayong ang mga pumanaw ay makakatagpo ng kapatawaran at awa at tuluyang makapapasok sa Kaharian ng Langit upang makapiling ang Diyos. Gayun din naman, ang buhay ng mga pumanaw ay hindi lamang natin tinatangisan at pinagdadalamhati, ito rin ay ipinagdiriwang at ipinagpapasalamat natin Diyos. Ang buhay ang pinakapambihirang biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Gayun pa man, ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin ay hindi panghabang-buhay. Ito ay may hangganan at katapusan. Sabi nga sa isang awit, “minsan lamang ako daraan sa daigdig na ito.” Kaya naman, mahalagang gawin nating kapaki-pakinabang at puno ng kabuluhan ang
bawat araw na daraan. Ingatan din natin ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos, bigyan natin ito ng halaga. Huwag nating sayangin ang buhay natin sa mga bagay na maaaring makasira at pumutol sa magandang ugnayan natin sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2024