Ebanghelyo: Lc 19: 1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punongmalaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.“ Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.“ Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.“ At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.“
Pagninilay
Sa ebanghelyo, nakilala natin si Zakeo. Pinili ni Jesus na tumuloy sa kanyang tahanan sa kabila ng kanyang pagiging pinuno ng mga kolektor ng buwis. Nang panahong iyon, itinuturing na makasalanan o traydor ang mga katulad ni Zakeo sapagkat sila’y mga Hudyo na naglilingkod sa mga Romano. Ang mga tao ay may matinding pagkapoot sa mga mananakop at namamahala sa kanilang bayan. Sa kabila nito, bumisita at tumuloy si Jesus sa kanyang tahanan upang bigyan siya ng pagkakataon na magbago. Batid ni Jesus ang pagnanais ni Zakeo na sumunod sa Kanya, subalit humahadlang ang kanyang mga kasalanan upang mangyari ito. At hindi naman binigo ni Zakeo si Jesus. Sa ating buhay, maraming mga makamundo at nakasisilaw na aliw ang pumipigil sa atin upang magbago at sumunod kay Jesus. Hinahadlangan nito na papasukin natin si Jesus sa pinto ng ating mga puso upang doon ay manahan. Palaging may puwang sa Puso ni Jesus ang mga taong nagnanais na magbagongbuhay at pahintulutan silang makagawa ng kabutihan para sa kapwa. Nawa’y huwag nating biguin si Jesus at gamitin ang mga pagkakataong Kanyang bininigay sa atin upang magbago. Tayo, kailan natin nais papasukin si Jesus sa ating mga tahanan, sa ating mga puso?
© Copyright Pang Araw – araw 2024