Ebanghelyo: Mt 4: 18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.“ Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
Pagninilay
Sa araw na ito, ipinagdiriwang nating ang Kapistahan ni San Andres. Si San Andres ay kapatid ng pinuno ng mga apostol, si San Pedro. Nagbago ang buhay nilang magkapatid ng sila’y tinawag at inanyayahan ni Jesus na iwan ang kanilang bangka at sumunod sa Kanya. Hindi siya nagdalawang isip na iwan ang kanyang hanap-buhay at pamilya upang sumunod kay Jesus.
Sa halip na mamalakaya sila at manghuli ng mga isda, si Andres ay nakatuwang sa pamamalakaya ng mga tao na susunod at maglingkod sa Diyos. Maraming paraan ang pagtawang ng Diyos sa atin, at maraming paraan din kung paano tayo susunod at maglilingkod sa Kanya. Sa tulong ng awa at grasya ng Diyos, ilagay natin ang buo nating pagtitiwala sa Kanya. Anumang takot o pagsusubok na kakakaharapin natin,
siguradong hindi tayo pababayaan ni Jesus. Kung tutugon tayo kung paano ang mga apostol, gaya ni San Andres, ay tumugon sa tawag ni Jesus, walang dudang mananatili Siyang kapiling natin hanggang sa huli. San Andres, ipanalangin mo po kami.
© Copyright Pang Araw – araw 2024