Ebanghelyo: Lc 21: 20-28
Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pabundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.“
Pagninilay
Patuloy na nagbabala si Jesus sa mga maaaring dumating at mangyari. Iniisip natin, tinatakot ba ni Jesus ang mga disipulo sa Kanyang paglalarawan kung anong mangyayari sa Jerusalem? Kung ikaw naman ang disipulong sumusunod kay Jesus, tutuloy ka pa bas a pagsunod sa Kanya o ikaw mapupuno ng takot sa mga posibleng mangyari? Nais ni Jesus na ipaalala sa sinumang naghahangad na maglingkod sa Kanya, na hindi ito magiging madali. Ang buhay na tatahakin nila ay puno ng mga pagsubok at pasakit. Gayunman, kung mayroong kabutihin itong taglay ay sapagkat kasama natin si Jesus. Bilang mga Kristiyano na sumusunod kay Jesus, ang buhay natin ay hindi puro saya at tagumpay. Ang buhay ng isang kristiyano ay may kasamang pagbabata, pagsaksi at paninindigan para sa ating pananampalataya kay Kristo. Subalit hindi natin kailangang matakot at tumakbo palayo para magtago, si Jesus mismo ang magigi nating sandigan na siyang gagabay at magpupuno sa ating mga kahinaan.
© Copyright Pang Araw – araw 2024