Ebanghelyo: Lucas 21:29-33
At sinabi ni Jesus sa kanila ang isang talinhaga: “Tingnan ninyo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita ninyong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napansin ninyo ang mga ito, alamin ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita.
Pagninilay
Winiwika ni Jesús nitong mga huling araw ang tungkol sa paglipas ng mga bagay at ang mga kakila-kilabot na mga pangyayari na nauugnay sa pagtatapos ng mga bagay na alam na natin. Sa araw na ito, tinutukoy niya ang talinhaga ng punong-igos. Winika niya sa atin na pansinin ang mga palatandaan ng ating panahon ngayon sa mundo upang matulungan tayo na malaman kung ano ang tunay na mahalaga at kung ano ang lumilipas lamang. Ang kalawakan, bagamat ito ay milyung-milyong taon na ay may hangganan din. Ngunit ang Salita ng Diyos kailanman ay hindi kukupas.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020