Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
“Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang Kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pabundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid.
“Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa Kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa.
“Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati.
“Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
Pagninilay
Nakakatakot na marinig ang mga ebanghelyo sa mga araw na ito. Ngunit si Jesus ay simpleng nagsasalita sa konteksto ng istilo ng kanyang mga tagapakinig. Kung ngayon natin ito pag-uusapan maaaring may magsasabi na palitan muna natin ang paksa ng pinag-uusapan. Ngunit para sa isang taong may malaking pananampalataya kay Jesus bilang isang tagapagligtas, kahit gaano pa katakot-takot na pangyayari, hindi dapat tayo matakot dahil kasama natin siya at hindi kailanman niya tayo iiwan o talikuran. Kapag dumaan tayo sa mga pagsubok at paghihirap o pagdurusa at kasakitan, alalahanin natin na nariyan si Jesus, sa gitna ng ating pagdurusa ay kasama natin siya at bibigyan niya tayo ng lakas upang harapin ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021