Ebanghelyo: Lucas 21:1-4
Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”
Pagninilay
Maraming mga mayayamang biyuda na mapagbigay sa simbahan. Ngunit ang biyuda sa ating ebanghelyo ngayon ay mahirap, kahabag-habag, at karapat-dapat na tulungan, ngunit ibinigay niya ang lahat ng kanyang kayamanan sa Diyos. Lahat tayo ay may obligasyong magbahagi sa simbahan. Ang ibang sekta ay nalalaan ng 10 porsyento ng kanilang kinikita. Sa ating mga Katoliko ay bukas-loob, o alinsunod sa ating pagmamahal sa Panginoon. Kaakibat ng ating pagbibigay ay ang sakripisyo ng ating buhay upang maglingkod sa ating kapwa. Handa ka bang gawin ang nararapat para sa lahat?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021