Ebanghelyo: Lc 19: 11-28*
(…) Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.’ (…)Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang una at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng sampu pa ang barya mong ginto.’ (…)Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.’ Sinabi sa kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang di ko idineposito at inaani ang di ko inihasik, bakit di mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik
ko.’(…) ‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. (…)
Pagninilay
Ang ebanghelyo ay nagsasalaysay sa Talinhaga tungkol sa mga Talento. Ang
Panginoon ay biniyayaan o pinagkakalooban tayo ng mga talento na kailangan nating gamitin upang pagyamanin, payabungin at palaguin. Ang tanong, saan natin ito ginagamit at dinadala upang mapa-ngasiwaan ng maayos? Katulad ba tayo ng utusan na imbes na makipagsapalaran upang
palaguin ang baryang ginto ay mas piniling balutin ito sa isang panyo at itinago. Mas nanaig sa kanya ang takot sa Panginoon. Ang takot na ito ang humadlang upang palaguin niya ang talentong pinagkaloob sa kanya. Sa buhay, marami rin tayong mga kinatatakutan, mga bagay na humahadlang upang makita natin ang magagandang plano ng Diyos. Ang kailangan natin ay magtiwala sa Diyos at hayaan Siyang kumilos sa buhay natin. Gamitin natin ang anumang biyaya at kaloob na nagmumula sa Diyos, hindi lamang para sa pagpupuri at paglilingkod sa Kanya, para na rin sa kabutihan natin at ng ating kapwa.
© Copyright Pang Araw – araw 2024