Ebanghelyo: Lucas 19:41-44
Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak, at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
Pagninilay
Malapit na ang oras ni Jesus at haharapin niya ang kanyang kanyang pagdurusa at kamatayan. Maaaring, halo-halo ang kanyang damdamin. Nagdalamhati siya at umiyak sa katigasan ng mga puso at kalooban ng mga hindi naniniwala at tumanggi sa kanya mabuting balita. Dinalaw na sila ng Diyos ngunit hindi nila ito tinanggap! Kaya ang resulta ay ang pagkawasak ng Templo na lagi nilang ipinagmamalaki. Hindi sana magiging masalimuot ang kanilang buhay kung pinakinggan nila si Kristo. Kung namamayani na ang kayabanggan, ang pagmamalaki sa tagumpay na nakamit, ang pagkamakasarili at kasakiman, ito ang mga palatandaan nang pagiging matigas ng ating mga puso at kalooban. Kapag ang mga pagsubok at problema ay dumating bilang resulta ng ating kapabayaan, gayon na lang natin sinisisi agad ang Panginoon. Bumalik tayo sa kanya habang may panahon pa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021