Ebanghelyo: Mc 13: 24-32
Ngunit sa panahong iyon, pagkatapos ng kagipitang ito, magdidilim ang araw, hindi na magbibigay ng liwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit at magigimbal ang buong sanlibutan. At makikita nilang dumarating sa mga ulap ang Anak ng Tao na may Kapangyarihan at ganap na Kaluwalhatian. Ipadadala niya ang mga anghel para tipunin ang mga pinili mula sa apat na sulok ng daigdig, mula sa silong ng langit. Matuto sa aral ng puno ng igos: kapag malambot na ang mga sanga nito at lumilitaw na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang taginit. Gayundin naman, kapag napansin ninyo ang lahat ng ito, alamin ninyong malapit na, nasa may pintuan na. Talagang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito at magaganap ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking mga salita. Ngunit walang nakaaalam sa oras at araw na Iyon kahit na ang mga anghel sa langit o ang Anak; ang Ama lamang ang nakaaalam.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ay tila nagpapahiwatig ng mga mangyayari sa muling pagdating ng Anak ng Tao. Gayun pa man, walang sinuman ang nakakaalam sa oras at panahon kung kailan ito mangyayari, maliban sa Ama. Hindi naman maiiwasan sa atin na makaramdam ng takot o pag-alaala kung manyayari ito. Pero binibigyan tayo ni Jesus ng pag-asa at katiyakan, na lilipas ang lahat ngunit hindi ang Kanyang Salita. Ang Salita ng Diyos ay ang pinaka makapangyarihan nating sandata upang harapin ang lahat ng mga pagsubok na haharapin natin sa buhay. Bilang mga Kristiyano, bahagi ng buhay pananampalataya natin ang kahalagahan ng pagbabasa ng Bibliya. Mahalaga ito upang higit nating mapalalim ang ugnayan at pagkakakilala natin sa Diyos. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay din sa atin ng direksyon upang kilalanin ang mga magagandang plano ng Diyos para sa atin. Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, mas nauunawaan natin kung paano mas higit na makapaglilingkod at magiging kalugod-lugod sa mata ng Diyos. Anumang takot at pagaalinlangan na ating kinakaharap ngayon, panghawakan lagi natin ang salitang nagbibigay-buhay ng Panginoon. Huwag tayong makakalimot na dumulog sa Kanya sa panalangin upang pasalamatan ang Diyos sa kanyang kabutihan at paggabay sa ating buhay
© Copyright Pang Araw – araw 2024