Ebanghelyo: Lucas 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.”
Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay
Ganito ang paglalakbay ni Zakeo, nagmula ito sa pagiging mandurugas tungo sa pagiging mapagbigay. Kung ating susuriin, malamang pinakinggan niya ang panaghoy ng kanyang puso na walang iba kundi si Jesus. Sinubukan niyang makita si Jesus ngunit si Jesus pala ang unang nakakita sa kanya. Bilang pagtangap niya kay Jesus sa kanyang buhay, ay determinado siyang magbago kahit may mga kontrabida sa paligid niya na hinuhusgahan siya. Handa niyang ibigay ang halos lahat ng kanyang pag-aari sa mga mahihirap at sa mga taong nadaya niya. Ang Diyos ay laging naghahanap ng mga makasalanan. Ang biyaya ng Diyos ay nagpapalambot din sa puso ng kasalanan upang mabago. Kapag nakahanap si Jesus ng mga makasalanan, tiyak na magbabago ang kanilang buhay. Ito ang kaso nina Mateo, Maria Magdalena, Zakeo, San Augustin, at iba pa. Sa tuwing tinatanggap natin si Jesus sa pakikinabang ay nakakarahap din natin Siya. Kumusta na ang buhay mo ngayon, nagbago ka na ba? Ito ang palaging panawgan sa atin ng ating Panginoon, tumugon nawa tayo sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021