Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig Niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong Niya kung bakit. At may nagsabi sa Kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan Siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman Niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa Kanya, at nang malapit na ay itinanong: “Ano’ng gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri rin sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Pagninilay
“Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin, … mahabag po kayo sa akin, gusto ko po sanang makakitang muli.” Ang bulag sa ating ebanghelyo ngayon ay mabilis niyang napansin, naramdam at narinig na may isang malaking pulutong ang dumaan, kaya tinanong niya kung ano ito? Sa halip na mag-aaksaya ng oras, sumigaw siya ng malakas at humingi kay Jesus na ibalik ang kanyang paningin. At hindi siya binigo ni Jesus. Nang makakita, niluwalhati niya ang Diyos at sumunod kay Jesus. Ito ay nagpapakita ng buhay na pananampalataya. Ganun din sa buhay natin sa araw-araw. Sa tuwing tayo’y gumigising sa umaga, ito’y tanda ng isang himala. Nawa’y hikayatin natin ang iba na purihin ang Panginoon para sa magagandang bagay na nararanasan natin sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021