Ebanghelyo: Juan 2:13-22
Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa-Jerusalem. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.”
Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.”
Sinabi naman ng mga Judio: “Apat-napu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.
Pagninilay
Nagtungo ako sa isa sa mga kapilya sa baryo. Pagdating ko, nakita ko na may ilang mga tao sa loob at ang ilang mga lalaki ay nasa labas at naninigarilyo. Nang nasa likod na’ko ng kapilya ay hindi nila ako masyadong napansin. Ang kanilang kwentuhan ay aking naririnig at kinukutya nila ang kanilang kura-paroko. Nabulaga sila ng bigla akong humarap sa kanila at bigla silang tumahimik. Mula sa panahon ni Jesus hanggang sa kasalukuyan, ang paguudyok na parangalan ang lugar kung saan tayo nagkatipon upang manalangin at sumamba sa Panginoon ay palaging sinasambit. Kung gagamitin ang bahay ng Ama para sa iba pang layunin tulad ng merkado ay hindi nalulugod ang ating Panginoon. Palagi akong nanawagan sa mga tao na manahimik, manalangin ng banal na Rosaryo o magnilay sa salita Diyos bilang paghahanda sa pagdiriwang ng banal na Misa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021