Ebanghelyo: Lucas 16:9-15
Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.
Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo?
Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”
Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.
Pagninilay
“Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay” (Lucas 16:10). Ito ay isang pagpapatuloy ng ebanghelyo kahapon. Nais ni Jesus na gumamit ng mga bagay dito sa mundo upang maipaliwanang at maintindihan ng mga tao ang kanyang hangarin. Ang tanda ng isang mabuting alagad ay kung maaari siyang pagkatiwalaan sa maliliit na bagay. Tinanong ko ang aking sarili, “bakit may mga tao ngayon na hindi titigil sa pagnanakaw?” Ang kanilang dahilan ay maaaring, “kung ginawa ng lahat, gagawin ko rin.” Kung ang batayan ng ating buhay ay ang kinagisnang gawain ng iba at hindi ang batas ng Diyos, gagawin nitong matigas ang ating puso. Ang katapatan at ang pagiging tapat ay dapat ituro hindi lang sa pangangaral sa mga bata sa loob ng pamilya kundi rin dapat makita nila ito sa gawa. Kung ang isang bata ay inutusan mong bumili ng anumang bagay sa tindahan at may binigay na sukli sa kanya, dapat singilin ang sukli, kung hindi, maaaring isipin nila na okay na hindi isauli ito. Tulungan natin na madagdagan ang mga taong tapat sa ating mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021