Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.” Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.
Pagninilay
Maliwanag ang hamon ng ebanghelyo ngayon sa ating mga Kristyano: ang magpakatotoo sa pangalang ipinagkaloob sa atin nang tayo’y binyagan at tinuring na mga anak ng liwanag. Pinapayagan ba natin ang liwanag ng katotohanan na lumiwanag sa bawat bahagi ng ating buhay? Nawa’y pahintulutan natin na i-ugat ang hamon ni Jesús na maging tapat sa salita’t gawa at iwasan ang panlilinlang. Ang taong hindi tapat sa napakaliit na bagay ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa mga malalaking bagay. Kung gayon, kung hindi tayo mapagkakatiwalaan sa hindi tapat na yaman, sino ang magtitiwala sa atin sa tunay na kayamanan?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020