Ebanghelyo: Lucas 16:1-8
Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’
At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’
Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.”
Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.
Pagninilay
Ito ang kwento ng tusong katiwala. Tinawag ng mayaman ang kanyang katiwala dahil di-umano ay nilustay nito ang kanyang ariarian. Hindi ito tinanggi nang katiwala. Tinanggap niya ang bintang ngunit mayroon siyang plano para sa kanyang sarili, ginamit niya ang kanyang talino upang magkaroon ng mga kaibigan. Bakit pinuri ng amo ang yumaong katiwala? Ano ang pinupuri, ang panloloko ba o ang katalinuhan ng kanyang pagiisip upang maging isang kaibigan sa mga may utang sa kanyang amo? Malinaw na ang pinupuri ng amo ay hindi ang kanyang panloloko ngunit ang tinatawag na “diskarte.” Ayon sa aking nabasang komentaryo tungkol sa ebanghelyo na ito, binawasan ng kalahati ang nakautang ng kanyang amo, pero wala naman talagang nawala sa kanyang amo dahil ang katulong mismo ang nagpuno nang nabawasag utang. Ang resulta ay nadagdagan pa ang kaibigan ng katiwala. Sa ating buhay, tayo rin ay mga katiwala. Tinawag tayo na maging matapat at maging matulungin sa iba, ginampanan mo ba ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021