Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.”
Pagninilay
May kanya-kanyang pagtingin sa buhay. May pagtingin ayon sa sariling pananaw, ayon sa pananaw ng lipunan at ayon sa pananaw ng Diyos. Sa pananaw ayon sa sarili, ang mapalad ay yaong nasusunod ang kagustuhan. Pero may pagkakataon na ang nakapagpapaligaya sa sarili ay yumuyurak sa dangal ng iba. Halimbawa ay pang-aabuso. Kaya may batas ang pamahalaan upang masiguro na hindi malalampasan ang karapatan ng iba at pinarurusahan ang lumalabag dito.
Mayroon din namang pagtingin na maka-Diyos. Sa ganitong diwa, sino ang mapapalad? Sila yaong nananatiling tapat sa Kanyang mga utos, at anuman ang mangyari patuloy pa rin na kumakapit sa Diyos, at nagtitiwala na hindi sila pababayaan Niya. At kung sa kabila ng kanilang katapatan ay nakararanas pa rin sila ng kahirapan tumitingin sila kay Jesus na nakapako sa krus. Itinataas sa Kanya ang kanilang pinagdadaanan. Sumasampalataya sila na katulad ni Jesus, hindi sila madadaig ng mga pagsubok at makikihati sa kaluwalhatian ni Jesus sa buhay sa kabila kasama ng mga banal. Hindi sila mabibigo!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022