Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walangwala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Sa kapiyestahang ito nang pagdalaw ng ating mahal na Ina kay Elisabet ay ginugunita natin ang kagalakang kanyang dala hatid ng sanggol sa kanyang sinapupunan – ang Magandang Balita. Si Elisabet na waring imposible pang magka anak dahil sa kanyang katandaan ay nagdalang-tao at si Maria naman na walang nakasiping na lalaki ay nagdalang-tao din sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ipinapakita lang dito na walang imposible sa Diyos. Sa panahon ngayon ay social media ang epektibong pamamaraan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Inaanyayahan tayo ng Diyos na tulad ni Maria ay maging tagapagdala tayo lagi ng mabuting balita sa ating kapwa at itoy magsilbing pag-asa para sa kanila. Huwag nating ikahiya na ibahagi sa iba ang mga karanasan natin tungkol sa kabutihang-loob ng Diyos sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021