Ebanghelyo: Marcos 10:46-52
Dumating sila sa Jerico. At pag-alis niya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabi ng daan – si Bartimeo, ang anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, Anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, Anak ni David, maawa ka sa akin!”
Huminto naman si Jesus at sinabi: “Tawagin ninyo siya.” Kaya tinawag nila ang bulag: “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Jesus.
Kinausap ito ni Jesus at sinabing: “Ano ang gusto mong gawin ko?” At sumagot sa kanya ang bulag: “Ginoo, makakita sana ako.” At sinabi naman ni Jesus: “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.”
Agad siyang nakakita at sumunod siya kay Jesus sa daan.
Pagninilay
Batid natin na maraming pulubi sa ating paligid ang laging kumakatok sa ating mga pintuan. Ngunit nakakalungkot na may ilan sa kanila na ang panghihingi ay ginagawang pangkabuhayan. Mayroon pa ngang iba na nagpapanggap na pulubi kahit hindi naman. Si Bartimeo ay isang bulag na pulubi na nakaasa rin sa tulong ng ibang tao. Ngunit ninais niyang siya’y gumaling at ito ay ipinagkaloob sa kanya ni Jesus. Matapang niyang hinarap ang posibleng mangyayari sa kanyang paggaling: hindi na siya aasa sa iba dahil sa kanyang bagong paningin na humadlang noon upang siya’y makapagtrabaho. Handa ba tayong harapin ang mga parating na bagong hamon ng Diyos sa ating buhay? Nawa ay mamulat tayo sa katotohanan hinggil sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin at maging daan ito upang tayo’y maging totoong tagasunod Niya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021