Ebanghelyo: Juan 17:11b-19
Sinabi ni Jesus: “Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin, at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak liban sa nagpahamak sa kanyang sarili upang maganap ang Kasulatan. At ngayon, papunta ako sa iyo at sinasabi ko ang mga ito habang nasa mundo upang maganap sa kanila ang aking kagalakan. “Ibinigay ko sa kanila ang salita mo at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko ipinapakiusap na alisin mo sila sa mundo kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Katotohanan ang salita mo. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, sinugo ko rin sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking salita upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.”
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagpapatunay na tayo ay mahalaga at mahal ni Jesus. Batid niya ang kahinaan ng mga tao kaya ibinilin niya tayo sa pagkalinga at pangangalaga ng Ama. Hiniling niya sa Ama na tayo ay gabayan sa ating buhay dito sa mundo. Madalas makalimot ang tao sa Diyos sapagkat nasisilaw tayo sa mga panandaliang kasiyahan na ibinibigay ng mundo. Hindi natin namamalayan na nagdudulot na pala ito sa atin ng hindi kanais-nais na gawain, o kaya’y naglalayo sa atin sa tunay na pagkakakilanlan sa Diyos, o madalas nauubos na ang ating oras at panahon sa mga hindi makabuluhang epekto ng teknolohiya. Walang masama sa mga pag-unlad, kaya lang ay hindi natin ginagamit ng wasto ang mga ito sa mga kapaki-pakinabang na bagay at gawain. Nauunawaan ni Jesus ang ating kahinaan bilang tao at tanging ang gabay lamang ng Ama ang makakatulong sa atin upang tayo ay manatili sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020