Ebanghelyo: Juan 17:1-11a
Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at nagsabi: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak upang maluwalhati ka ng Anak dahil ibinigay mo sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao upang bigyan niya ng buhay magpakailanman ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay magpakailanman: ang makilala ka, ang tanging totoong Diyos at si Jesucristong sinugo mo. Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang gawang bigay mo sa akin para trabahuhin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa aking katabi ang luwalhating meron ako sa tabi mo bago pa man nagkaroon ng mundo. Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ibinigay sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ibinigay, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayon, nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ibinigay mo sa akin. Totoo, ibinigay ko sa kanila ang mga pananalitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang totoong sa iyo ako galing at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin. Sila ang ipinapakiusap ko. Hindi ang mundo ang ipinapakiusap ko kundi ang mga ibinigay mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang banal, ingatan mo sila sa iyong Pangalang ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya natin.
Pagninilay
Sa panahon ngayon, ayaw na ayaw natin sa mga taong paasa. Madalas tayo ay naiiwan sa ere ng ating kinalalagyang buhay, na minsan ay mapait at puno ng pasakit. Ngunit kung lalapatan natin sa gitna ng isang titik ang “g” ang salitang “paasa”, ito ay magiging “pag-asa”. At sino itong pag-asa? Walang iba kundi ang Diyos. Ang Diyos ay tumutupad sa kanyang mga pangako at nagbibigay pag-asa sa kanyang mga minamahal. Tulad ni Jesus sa kanyang paglingap sa kanyang mahal na bayang Israel, tinupad niya ang misyong iniatang sa kanya ng Ama. Hindi niya tayo iniwan sa ere, sa pagkalugmok, sa hirap at dusa. Siya ang Diyos ng pag-asa. Siya ang tunay na Diyos na nagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020