Ebanghelyo: Mateo 28:16-20
Pumunta naman sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Jesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nagaalinlangan pa. At nilapitan sila ni Jesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.”
Pagninilay
Hinabilin ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang misyon – ang ibahagi sa buong mundo ang Mabuting Balita ng Diyos. Siya ang Salitang nagkatawang-tao. Dinanas ang lahat na sakit at pait upang maisakatuparan ang kalooban ng Ama na iligtas tayo sa ating pagkakasala at ituro sa atin ang tamang landas patungo sa Ama. Nang matapos na ang misyon ni Jesus sa mundo ipinagkatiwala niya ito sa kanyang mga alagad. Pinadala sila sa lahat ng sulok ng mundo upang maibahagi sa lahat ang dakilang pagibig ng Diyos. Ang buhay ni Jesus ay ang perpektong modelo ng pagiging isang matapat na naglilingkod, na sa kabila ng kahirapan hindi tayo pinaghihinaan ng loob. Ang lahat ng mga pagsubok at paghihirap ay may hangganan. Kinakailangan lang natin na magtiwala at iugat ang buhay natin sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020