Ebanghelyo: Mc 9: 38-40
Sinabi naman sa kanya ni Juan: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi natin siya kasama.“ At sinabi ni Jesus: “Huwag ninyo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. Ang hindi laban sa atin ay kampi sa atin.“
Pagninilay
Ano ang nagtulak sa mga alagad na pigilan na gumawa ng mabuti ang tao sa ngalan ni Jesus? Kung matatandaan natin sa Ebanghelyo ni San Markos 9:14-29, kung saan may lumapit sa mga alagad na humingi ng tulong o himala ngunit wala silang nagawa? Dito nakita nila na may ibang tao na hindi nila kasama na nakakagawa ng himala! Marahil nainggit ang mga disipulo at hindi nila matanggap na may ibang tao na makagagawa ng mahalagang bagay na di nila kayang gawin bilang mas malapit kay Jesus! Kung kaya’t siniraan nila siya kay Jesus! Ito rin ang madalas nating ginagawa kung may mga taong mas nakahihigit sa atin. Magandang palaliman natin ang sagot ni Jesus sa kanila. “Ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.” Ibig sabihin kung may ibang tao na nakakagawa ng mabuti tulad na ginagawa natin dapat mas matuwa tayo at dapat natin silang kilalanin at suportahan. Sila’y katuwang natin sa pagpapalaganap ng kabutihan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024