Ebanghelyo: Juan 16:29-33
Kaya sinabi ng kanyang mga alagad: “Hayan, lantaran ka na ngayong nangungusap, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya naniniwala kaming sa Diyos ka galing.”
Sumagot sa kanila si Jesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t may oras na sumasapit at sumapit na upang mangalat kayo – bawat isa sa sariling kanya – at iiwan n’yo akong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.
Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”
Pagninilay
Walang “forever”! Ito ang sikat na ekspresyon ng mga tao na nahuhumaling sa mga teleseryeng napapanood sa telebisyon. Ang muling pagkabuhay ng ating Panginoong Jesucristo ay hindi lamang tungkol sa pagbabalik Niya sa kanyang Ama. Kanya ring tutuparin ang kanyang pangako na siya ay mananatili sa atin kailanman sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa kanyang paglisan ay hindi tayo mag-iisa dahil hindi lamang ang kanyang alaala ang mananatili ngunit ang kanya mismong presensya. Ipinahihiwatig sa atin ng Diyos na sa panahon ng mga pagsubok at mga kalamidad ng buhay ay kaisa natin Siya. Kung tayo ay may malalim na ugnayan sa Kanya, kahit gaano man kadilim at kapanganib ang landas na ating tatahakin, hindi natin mararamdaman na tayo ay nag-iisa. Maniwala nawa tayo na “forever” ang pag-ibig sa atin ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021